Tagalog Bibles (BIBINT)
タガログ語新約聖書
2 Mga Taga-Corinto 12
Ang Pangitain ni Pablo at ang Tinik na Ibinigay ng Diyos sa Kaniya
1Ang magmalaki ay hindi kapakinabangan sa akin. Paparito ako sa mga pangitain at mga pahayag ng Panginoon. 2May alam akong isang lalaki na na kay Cristo. Hindi ko alam kung ito ay sa katawan o wala sa katawan, ang Diyos ang siyang nakakaalam. Labing-apat na taon na ang nakalipas, ang lalaking ito ay inagaw paitaas sa ikatlong langit. 3May alam akong isang lalaki. Kung ito ay sa katawan o wala sa katawan hindi ko alam, ang Diyos ang nakakaalam. 4Siya ay inagaw paitaas sa paraiso at nakarinig ng mga salitang hindi mabibigkas. Hindi ito ipinahihintulot na sabihin sa tao. 5Magmamalaki ako patungkol sa lalaking ito, ngunit hindi ako magmamalaki patungkol sa aking sarili maliban sa aking kahinaan. 6Ito ay sapagkat ibig ko mang magmalaki, ako ay hindi magiging hangal dahil totoo ang aking sasabihin. Magtitiis na lang ako at baka may mag-isip sa akin nang higit pa sa nakikita niya sa akin o anumang naririnig patungkol sa akin.
7Upang hindi ako magmataas dahil sa kalakhan ng mga pahayag sa akin, ibinigay sa akin ang tinik sa laman. Ito ay sugo ni Satanas na magpapahirap sa akin upang hindi ako magmataas. 8Dahil dito, ipinamanhik ko nang tatlong ulit sa Panginoon na ito ay maalis sa akin. 9Sinabi niya sa akin: Sapat sa iyo ang aking biyaya dahil ang aking kapangyarihan ay nalulubos sa kahinaan. Kaya nga, lalo akong magmamapuri sa aking kahinaan upang manahan sa akin ang kapangyarihan ni Cristo. 10Kaya nga, ako ay malulugod sa mga kahinaan, sa mga panlalait, sa pangangailangan, sa pag-uusig, sa kagipitan alang-alang kay Cristo sapagkat kung kailan ako mahina, saka ako malakas.
Ang Pagmamalasakit ni Pablo sa mga Taga-Corinto
11Sa pagmamalaki natulad ako sa isang hangal, kayo ang nagtulak sa akin sapagkat dapat ipinagmapuri ninyo ako. Hindi naman ako nahuhuli sa mga napakadakilang apostol kahit na ako ay wala naman. 12Tunay na ang mga tanda ng apostol ay ginawa sa inyo sa lahat ng pagtitiis, sa mga tanda at sa kamangha-manghang mga gawa at mga himala. 13Saan kayo nakakababa sa ibang mga iglesiya, maliban na lamang sa hindi ko pagiging pabigat sa inyo? Patawarin ninyo ako sa kamalian kong ito.
14Narito, sa ikatlong pagkakataon handa akong pumunta sa inyo at hindi ako magiging pabigat sa inyo sapagkat hindi ko hinahangad ang mga bagay na nasa inyo kundi kayo. Ang mga anak ay hindi nag-iipon para sa mga magulang kundi ang mga magulang para sa mga anak. 15Higit akong maligaya na gugugol at lubos na magpagugol para sa inyong kaluluwa, kahit na kung sagana ang pag-ibig ko sa inyo, ay kakaunti ang pag-ibig sa akin. 16Magkagayunman, hindi ako naging pabigat sa inyo, subalit sa pagiging tuso, nalinlang ko kayo. 17Nagsamantala ba ako sa inyo sa pamamagitan ng sinuman sa kanila na isinugo ko sa inyo? 18Ipinamanhik ko kay Tito at isinugo kasama niya ang isang kapatid. Nagsamantala ba sa inyo si Tito? Hindi ba namuhay kami sa iisang espiritu? Hindi ba namuhay kami sa gayunding mga hakbang?
19Muli, iniisip ba ninyo na kami ay nagtatanggol ng aming sarili sa inyo? Sa harap ng Diyos, kami ay nagsasalita kay Cristo. Minamahal, ginagawa namin ang lahat ng mga bagay para sa inyong ikatitibay. 20Ito ay sapagkat sa pagdating ko, natatakot ako na hindi ko kayo masumpungan tulad ng ibig ko. Natatakot ako na masumpungan ninyo ako tulad ng hindi ninyo ibig sa akin. Baka magkaroon ng paglalaban-laban, inggitan, poot, pakikipagtunggalian, paninirang puri, pagsisitsit,[1] pagmamalakihan at kaguluhan. 21Baka sa pagdating ko, ibaba ako ng Diyos sa harapan ninyo at ako ay manangis dahil sa kanila na nagkasala roon. Hindi sila nagsisi sa karumihan at pakikiapid at kahalayan na kanilang ipinamuhay.
Show footnotes
- 12:20 Ito ay ang walang pigil na pagdadala ng lahat ng uri ng usapin.
Tagalog Bible Menu